PANGASINAN, Philippines – Naibalik na ang kuryente sa 83.33 porsiyento ng mga kabahayan sa lalawigan ng La Union noong Agosto 6, dalawang linggo matapos ang pananalasa ng Bagyong Emong (international name Co-May) sa lalawigan.
Nakipag-usap si Gobernador Mario Eduardo Ortega sa dalawang kumpanya ng kuryente sa lalawigan at tiniyak sa mga residente ang kanilang agarang pagtugon habang sila ay nagtatrabaho ng dobleng oras upang ganap na maibalik ang kuryente sa lahat ng apektadong kabahayan.
“Kaunting patience na lang po, inaayos na po ng ating linemen ang mga linya ng kuryente at ginagawa po nila lahat ng kanilang mga makakaya upang maibalik ang suplay ng kuryente sa inyong lugar sa lalong madaling panahon,” saad niya.
Hiniling niya ang kooperasyon ng lahat lalo na sa road clearing, para mapabilis ang power restoration.
Ibinagsak ng Bagyong Emong ang mga poste ng kuryente at mga puno, na nagdulot ng pagkaputol ng kuryente sa buong probinsiya.
Nasa state of calamity ngayon ang lalawigan dahil sa epekto ng bagyo.
Tiniyak din ni Board Member Chary Nisce ang sapat na calamity funds na gagamitin sa recovery at rehabilitation efforts.
Ang mga kompanya ng elektrisidad mula sa mga kalapit na lalawigan ay tumugon din sa panawagan ng lalawigan para sa La Union Agkaysa habang sila ay nagtalaga ng kanilang mga tauhan at nagpaabot ng tulong sa mga lokal na tagapagbigay ng suplay ng kuryente upang mapabilis ang power rehabilitation ng lalawigan.
“We thank all the electric companies from neighboring provinces for lending their hands to bring back our power supply;” ayon kay Ortega. RNT/MND