Home NATIONWIDE Kustodiya ng 2 Indonesian ex-POGO workers inaasahang ililipat ng PAOCC sa BI

Kustodiya ng 2 Indonesian ex-POGO workers inaasahang ililipat ng PAOCC sa BI

MANILA, Philippines- Inaasahan ng Bureau of Immigration (BI) na ililipat sa kanilang kustodiya ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang dalawang Indonesian national na dating manggagawa sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), ngayong Lunes, Abril 21.

Ayon sa tagapagsalita ng BI na si Dana Sandoval, sa unang bahagi ng linggong ito ay dalawang lalaking Indonesian ang humingi ng tulong mula sa PAOCC, na nagsasabing gusto nilang bumalik sa kanilang bansa ngunit hindi nila kayang bayaran ang kanilang mga gastos sa paglalakbay.

“Close naman yung coordination natin with PAOCC. They have been a good partner of the Bureau of Immigration in terms of locating, arresting, and deporting these illegal aliens,” ani Sandoval.

Nabatid sa BI na noong Marso ay pitong Indonesian ang sumuko sa PAOCC at humingi ng parehong uri ng tulong.

Ayon kay Sandoval, nasa 700 hanggang 800 dayuhang manggagawa na ng POGO ang na-deport nitong mga nakaraang buwan. JR Reyes