MANILA, Philippines- Iniulat ng Bureau of Immigration (BI) ang isang maayos na Semana Santa sa Ninoy Aquino International Airport makaraang walang naiulat na mga hindi kanais-nais na insidente o mahabang pila na naitala.
Ayon sa tagapagsalita ng BI na si Dana Sandoval, bago ang inaasahang pagdami ng mga manlalakbay nitong Semana Santa ay nagtalaga ang BI ng 48 karagdagang tauhan sa NAIA, habang inasahan na ng Bagong NAIA Infra Corp. ang mahigit 1.18 milyong pasahero na dadagsa sa nasabing paliparan.
Sinabi ni Sandoval na ang bagong bukas na Overseas Filipino Workers Wing sa NAIA ay may malaking papel sa pagpapagaan ng pagsisikip dulot ng pagdagsa ng mga pasahero.
“Malaking bagay ‘yung na-dispersa ‘yung bilang ng bumabyahe. May mga umalis nang maaga pa lang,” ani Sandoval.
Pinaalalahanan din ni Sandoval ang mga manlalakbay na punan ang eTravel form bago dumating o umalis ng Pilipinas.
Nagbabala naman ang BI sa publiko laban sa mga scam at pekeng website, na binibigyang-diin na ang eTravel form ay libre at maa-access lamang sa https://etravel.gov.ph. JR Reyes