
MAY mga lugar sa Quezon City District 5 na konting buhos lang ng ulan at kaagad na tumataas ang tubig at “presto!” baha kaagad ang kasunod.
Hindi kailangang maghintay ng mahabang oras upang ang mga residente sa ilang lugar sa Novaliches ay maghanda na ng lakas upang baklasin ang kanilang mga gamit sa bahay upang ilagay sa mas mataas na pwesto sapagkat kung hindi ay aabutin ng tubig-baha na papasok sa kanilang bahay.
Madalas nga, dinaraan na lang sa biro ng mga residente ng Novaliches o District 5 ang kanilang inis na may halong pangamba dahil sa bah ana dulot ng ulan. Paano pa kapag bagyo? Hanggang hinaing na lang ba ang pwede nga nilang gawin?
Pwedeng dinaraan sa biro ng mga residente ang kanilang pangamba kaugnay sa bahang kanilang dinaranas kapag tag-ulan o kaya’y bagyo, pero hindi ito dapat gawing katatawanan sapagkat buhay, kaligtasan at pamumuhay o kabuhayan ang nakataya rito.
Kaya naman, kaisa ang PAKUROT ng mga residente ng Novaliches na nananawagan sa mga opisyal at lider ng mga barangay, lalo na sa mga nagsasabing sila ay lingkod bayan, na magsalita kaugnay sa kung ano ang kanilang aksyon sa problemang ito.
Kasi nga, ayon sa sabi-sabi (pero hindi fake news) may pondo para sa pagawain kaugnay sa baha sa nasabing distrito. At take note, hindi kakarampot ito. Milyon-milyon ang pondo para sa “flood control project” sa District 5 pero hindi ramdam ng mga residente dahil hanggang ngayon uso pa rin sa magkakapitbahay ang paligsahan sa pagbuhat ng kanilang mga gamit at kasangkapan kapag umuulan upang hindi maabot ng baha.
Eh teka lang, bakit naman isinisigaw ng mga residente ng Novaliches ang pangalan ng magkuyang politiko at mga kamag-anak nila na sinasabing nakinabang sa P2.5 bilyong pondo para sa baha?
Sabi nga ng isang kamote rider (motorcycle driver), araw-araw siyang nag-iikot sa Novaliches o District 5 dahil iyon ang hanap-buhay niya kahit noong nakaupo pa bilang kongresista ang mas nakatatanda sa magkapatid na politiko na nagpalitan lang ng pwesto.
Halos maglalabindalawang taon na ang nakalipas pero wala pa ring pagbabago, binabaha pa rin ang District 5 kaya nga nawawalang bilib na ang mga residente sa magkapatid na politikong ito.
Sigaw nga nila, “baha-baha paano ka mawawala?” Kasi, ang pondo tila ang nawawala.
Halalan kaya ang maging sagot? Sagutin muna nila kung nasaan ang pondo para maiayos ang mga lugar na binabaha sa District 5. Huwag iwanan ang mga tao na lubog sa baha.