Home OPINION NANGANGAILANGAN NG BAGONG KASANAYAN SA PAGGAMIT NG AI AT EPEKTO SA TRABAHO

NANGANGAILANGAN NG BAGONG KASANAYAN SA PAGGAMIT NG AI AT EPEKTO SA TRABAHO

MATAGUMPAY na idinaos ng Department of Labor and Employment (DOLE), sa pangangasiwa ng Bureau of Local Employment at Planning Service, ang dalawang araw na konsultasyon para sa kahandaan ng lakas-paggawa at pamamahala ng artificial intelligence noong Marso 4 at 5, 2025 sa Cebu City.

Layunin ng aktibidad na ihanda ang mga manggagawang Pi­lipino para sa umuusbong na pagbabago sa merkado ng paggawa at tugunan ang epekto ng AI sa trabaho.

Sa kanyang pangunahing ta­lumpati, muling pinagtibay ni DOLE Undersecretary for Employment and Human Resource Development Cluster Carmela I. Torres ang pangako ng Kagawaran na bigyan ng kinakaila­ngang kasanayan ang lakas-paggawa upang makatugon sa mga pagbabago dulot ng artificial in­telligence.

“Sa mga pagbabagong da­la ng AI sa industriya na nanga­ngailangan ng mga bagong ka­sanayan, dapat nating bigyang prayoridad ang mga inisyatiba na makakatugon at magpapahusay sa kakayahang magtrabaho ng manggagawa. Kabilang dito ang matatag na programa sa pagsasanay na nakatuon sa digital literacy at AI-related com­petency, upang tiyakin na hindi maaalis sa trabaho ang manggagawa, bagkus mas papatatagin pa ito dahil sa kani­lang kasanayan sa paggamit ng teknolohiya,” pahayag ni Undersecretary Torres.

Iprinisinta ng Microsoft at Globe Telecom ang “real-world applications of AI in workplaces”, at kanilang binigyang-diin ang ka­halagahan ng pagpapaunlad ng kulturang “ligtas para sa pagbabago”.

Itinampok sa talakayan ang mga pananaw ng mga eksperto mula sa Analytics and Artificial Intelligence Association of the Philippines, National Economic and Development Authority, Na­tional Privacy Commission, at DOLE Institute for Labor Stu­dies. Tinalakay ng mga panelist ang mga kritikal na isyu, tulad ng transparency, legal framework, at etikal na pagpapatupad ng AI, kasama si Bureau of Local Employment Director Patrick P. Patriwirawan, Jr., bilang mode­rator.

Nagbahagi rin ang IT and Business Process Association of the Philippines at Aboitiz Data Innovation ng kanilang pananaw ukol sa sa etikal na pagpapatupad ng AI, transparency, legal framework, at ang epekto ng AI sa pagpapaunlad ng lakas-paggawa.

Binigyang-diin ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Undersecretary Jocelle E. Bata­pa-Sigue ang suporta ng kani­lang ahensya para sa mga pagsisikap ng DOLE sa integrasyon ng AI, na lalong nagpapatibay sa kahalagahan ng pagtutulungan para sa maayos na transisyon ng lakas-paggawa sa paggamit ng AI.

Nagpahayag din ng kanilang suporta ang Commission on Higher Education (CHED) at ang Federation of Free Wor­kers (FFW), na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng pagbibigay ng kinakailangang kasanayan ng mga manggagawa upang magtagumpay sa mabilis na pagbabago ng merkado ng paggawa.
Binanggit din ni DOLE Planning Service Director Adeline T. De Castro na ang policy principle ng DOLE sa AI ay nakabatay sa transparency, oversight, non-discrimination, at pagsunod sa mga batas-paggawa, na mahalaga sa pagtataguyod ng res­ponsableng pamamahala ng AI sa mga lugar-paggawa.