Home OPINION ALYANSA PARA SA BAGONG PILIPINAS, WATAK-WATAK NA NGA BA?

ALYANSA PARA SA BAGONG PILIPINAS, WATAK-WATAK NA NGA BA?

MAAGA pa para mag-isip o maghinala na nagsisimula ng magkawatak-watak ang ruling party na Alyansa para sa Bagong Pilipinas bunsod nang hindi pagdalo ng ilan nilang kandidato sa pinakahuling political rally.

Maging ang ate nga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na si senatorial candidate Imee Marcos ay hindi na rin dumalo sa huli nilang political rally at hindi na rin binanggit ng Pangulo ang kanyang pangalan sa pag-eendorso ng mga kandidato.

Sa halip kasing 12 ang banggiting bilang ng Pangulong BBM, 10 o 11 na lang ang kanyang tila iniendorso na dahilan para maghinala ang marami na tanggap na ng administrasyon na hindi nila kapanalig ang kapatid ng pangulo.

Sa mga tanong kung bakit mas malapit pa ang loob ni Sen. Imee sa pamilya Duterte, kumpara sa sarili niyang kapatid na kanyang kadugo at kasalukuyan pang Pangulo ng bansa, ang senadora lamang ang tanging makasasagot niyan.

Kaya lang, hindi naman talaga maiaalis na may mga “marites” na nag-aanalisa sa mga pangyayari at nagpapahiwatig sa mga umpukan at tsismisan na hindi naman daw talagang direktang may tampo o naiinis sa kanyang “Ading” (nakababatang kapatid na lalaki) ang butihing senadora kundi sa isang tao na malapit sa Pangulo.

Pinagbabatayan ng mga marites ang madalas banggitin noon ni Sen. Imee na pinag-iingat ang kanyang nakababatang kapatid sa mga taong madikit sa kanya at maging sa mga nakapaligid na wala umanong hangarin kundi ang sariling interes.

Kaya nga noon pa mang mapasama ang kanyang pangalan sa line-up ng administrasyon, ilang araw lang ay nagbitiw ng pananalita si Sen. Imee na hindi siya sasali sa ruling party at sa halip, magiging independent candidate.

Ang pagdalo niya sa kick-off rally ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas sa Ilocos Norte ay bilang pagtugon lang sa mahigpit na tagubilin at imbitasyon sa kanya ng anak na si Gov. Matthew Manotoc.

Pero bukod nga pala sa ate ng Pangulo, may mga nagtatanong din kung bakit hindi rin dumalo sa rally ng Alyansa sa Tacloban City sina Senator Pia Cayetano at senatorial candidate Camille Villar.

Ang pagkakaiba nga lang, nangatwiran si Villar na mayroon siyang karamdaman habang naglibot sa maliliit na bayan sa Bicol si Cayetano kaya hindi sila nakadalo.

Pero malikot ang isip ng taumbayan kaya ipinagpapalagay na ang dalawa na nasa Nacionalista Party ay kaalyado ng PDP-Laban at natatakot na maapektuhan ang kanilang kandidatura sa mga batikos na ibinabato sa Administrasyong Marcos kaugnay sa pagdakip at pagdala kay dating Pangulong Duterte sa The Hague, Netherlands.