Home OPINION ‘THE BIG ONE’ KATULAD NG MAGNITUDE 7.8 SA MINDANAO

‘THE BIG ONE’ KATULAD NG MAGNITUDE 7.8 SA MINDANAO

3
0

INIHAYAG ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na maaaring magkasing-lakas o mas malakas pa ang lindol na The Big One kaysa sa magnitude 7.8 na lindol na naganap sa Mindanao isang linggo na ang nakalilipas.

Gaya ng inilalabas na nating balita sa mga nakaraang sulatin dito, maaaring aabot sa 50,000 ang masasawi sa ilalim ng The Big One na magmumula sa Bulacan, tatagos sa gitna ng Metro Manila, hanggang mga lalawigan ng Cavite at Laguna.

Hindi pa kasama sa maaaring 100,000 masawi kung magiba ang Angat Dam dahil sa pagragasa ng tubig nito na 30 metro ang taas pababa sa mga bayan at barangay na roon dadaloy ang mga tubig nito.

724,000 KATAO APEKTADO

Gayunman, higit nating bigyan ng pansin ngayon ang mga biktima ng lindol sa Mindanao na naging kasing-lakas ng lindol sa Baguio City-Cabanatuan City na tumama rin sa Central Luzon at ilang bahagi ng Ilocos Region at Metro Manila noong Hulyo 16, 1990 o 36 taon nang nakalilipas.

Hindi biro-biro ang ulat Office of the Civil Defense na 173,000 pamilya na binubuo ng nasa 724,000 katao na nakatira sa nakatira sa mga Rehiyong IX, XI, XII at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Naganap ang lindol dakong alas 7:37 at ang epicenter nito ay 32 kilometro ang layo south-southwest ng Maasim, Sarangani, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Hindi biro-biro dahil nasa anim beses ang dami ng mga naapektuhan kumpara sa naapektuhan sa Baguio City-Cabanatuan City na umabot lamang sa mahigit 130,000 katao, kabilang na ang mga nasawing nasa 2,000, higit na maraming nasugatan, ilang daang missing at nasa 126,000 nawalan ng tahanan.

Bagaman, mababa pa ang bilang ng mga natatagpuang nasawi sa Mindanao, hindi madaling tugunan ang pangangailangan ng mahigit 724,000 nasa mga evacuation center, nasugatang ginagamot pa at iba pa.

May mahigit sa 2,131 pamilya ang nasa 26 operational evacuation center habang mahigit 13,480 pamilya ang nasa kani-kanilang mga kaibigan o kamag-anak sa labas ng mga evacuation center.

Ganito katindi ang pangyayari dahil may 8,865 tahanan ang ganap na nawasak o nasira habang nasa 36,691 iba pa ang bahagyang nasira na hindi dapat kaagad balikan at i-repair para muling matirhan nang ligtas.

AGARANG TULONG

Siyempre pa, ang pamahalaan ang pangunahing sandalan natin sa pagtulong at makapawi-pawi na rin ng kaunti sa hirap na dinaranas ng mga biktima ang mga nanggagaling sa mga pribadong organisasyon at indibidwal, kasama ang Lions International, Philippine Red Cross at iba pa.

Katuwang ng lahat ang DSWD, iba pang mga ahensya ng pambansang gobyerno at mga local government unit.

Naririyan na ang nasa P5.16 bilyong halaga ng relief resources mula sa pambansang pamahalaan, Office of the Vice President at LGU at binubuo ito ng mga cash aid, pagkain, gamot at iba pa.

May mga tulong na ring naggagaling sa ibang mga bansa gaya ng Japan, France, China, Canada, Australia, Germany, the Czech Republic, European Union United Arab Emirates at United Nations mismo.

Tulong-tulong lang po tayo lahat at alalahaning aabutin ng kung ilang taon bago makabangon ang mga biktima.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here