Bulacan – Nasa P11,113,784.68 halaga ng iligal na droga ang nasamsam ng pulisya sa kanilang isang linggong puspusang buy-bust operation sa Central Luzon kabilang ang lalawigang ito.
Sa report kay Police Regional Office 3 (PRO3), Regional Director PBGEN Jean Fajardo, umabot sa 157 indibiduwal ang naaresto sa kanilang isinagawang 103 operasyon kontra iligal na droga.
Ayon sa report, ikinasa ng mga pulis ang operasyon mula Marso 17 hanggang Marso 23 sa ibat-ibang lalawigan ng nasabing rehiyon kabilang ang Bulacan.
Nasamsam sa operasyon ang 1,532.04 grams na shabu at 5,799.43 grams na Marijuana na may kabuuang halagang P11,113,784.68.
Nahaharap ang mga naarestong mga suspek habang nakakulong sa istasyon o yunit na humuli sa kanila sa naturang rehiyon. Dick Mirasol III