MANILA, Philippines -KAKANTAHAN na lamang ng ‘happy birthday’ ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro si dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte na magdiriwang ng kanyang ika-80 taong kaarawan sa araw ng Biyernes, Marso 28.
Sinabi ni Castro sa press briefing sa Malakanyang na, “Ako po may mensahe, kantahan natin ng happy birthday – iyon lang po. Siyempre birthday po iyon kailangan pong maging maligaya ang taong nagbi-birthday at wini-wish po natin siya ng happy birthday,” nang tanuning kung mayroon na bang mensahe o birthday message ang Pangulo kay dating Pangulong Duterte.
Bukod dito, ipapaalala niya rin kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang birthday ng dating Pangulo para makuhanan niya rin ito ng birthday wish o birthday message.
“Ipapaalala ko po sa kaniya na birthday po ni dating Pangulong Duterte sa March 28 baka po hindi niya po natatandaan,” ayon kay Castro.
Sa nagdaan kasing 79 taon, nakaugalian na ni Duterte na hindi magdaos ng anumang party sa kanyang kaarawan.
Sanay na ang mga Dabawenyo na tuwing sasapit ang kanyang kaarawan ay walang malaking pagtitipon.
Magdi-disappearing act si Duterte at kung may gagawin man siyang activity, ‘yun ay dalawin ang mga bata sa House of Hope sa loob ng Southern Philippines Medical Center (SPMC).
Naging panata na rin ng dating Pangulo na makihalubilo sa mga batang may cancer na karamihan sa kanila ay kalbo na dahil sa epekto ng kanilang pagpapagamot sa iniindang sakit.
Ang mga batang ito ay nagpapagamot sa pamamagitan ng chemotherapy o radiation upang labanan ang cancer.
Karamihan sa kanila ay nanggaling pa sa malalayong probinsiya o rehiyon kaya wala silang matutuluyan dito sa Davao City dahil kasama pa nga nila ang kanilang mga magulang o mga kamag-anak na magbabantay sa kanila habang nagpapagamot.
Dahil nga sa dumarami na ang mga batang may cancer, kaya napagpasyahan na magtayo na ng House of Hope para sa mga batang may sakit.
Maliban sa mga bata sa House of Hope, ang tanging kasama ni Duterte tuwing Marso 28 ay ang kanyang pamilya sa isang salu-salo o dinner kasama ang kanyang mga anak at apo.
Ngayong darating na Marso 28, hindi na katulad ng mga nagdaang taon na kasama ni Duterte ang mga bata sa House of Hope sapagkat nakapiit siya sa detention facility ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Hindi na maaasahan pang magdiwang si Digong Duterte ng kanyang ika-80 kaarawan na kasama ang kanyang mga anak at mga apo. Kris Jose