Home OPINION LABAS NA, NASAAN KA MAN

LABAS NA, NASAAN KA MAN

NANGYARI ang kagustuhan ni Senator Robinhood Padilla, pero hindi marahil gaya ng inaasahan niya. Nitong Lunes, umapela si Padilla sa komite ng Senado, na nagsasagawa ng pagdinig sa mga akusasyon laban sa pinuno ng Kingdom of Jesus Christ  na si Apollo C. Quiboloy, na huwag nang magpalabas ng ‘contempt order’ laban sa kanyang kaibigan.

Tinangka niyang mangatwiran sa kanyang mga kasamahan para ‘show-cause order’ na lamang ang ipalabas. Nitong Martes, ginawa ng Senate panel ang gusto niya. Inoobliga ng nasabing atas na ipaliwanag ni Quiboloy ang paulit-ulit niyang hindi pagsipot sa imbestigasyon sa mga alegasyon ng umano’y sex trafficking at rape laban sa kanya.

Gayunman, ang ipinakisuyo ni Padilla ay mayroon lamang 48 oras na palugit. Ang paulit-ulit na kabiguan ni Quiboloy na dumalo sa mga pagdinig ay nagbunsod upang magpalabas ng naturang order ang komite ni Senator Ana Theresia Hontiveros-Baraquel. Inaprubahan ito ni Senate President Juan Miguel Zubiri at magkakabisa lamang kung tatalima si Quiboloy. Kung hindi, maaari pa ring ipag-utos ang pagdakip sa kanya.

Hindi iminumungkahi ng Firing Line na pigilin ni  Padilla ang kanyang paghinga. Kung tatanungin ang isa pang “idol” sa Senado, si Sen. Raffy Tulfo, siguradong irerespeto niya ang pasya ng pinuno ng komite gaya ng inaasahan din niya ang parehong respeto na igagawad sa kanya.

Pero notorious si Quiboloy sa pagpapasaway, na hindi lamang sa Senado niya ginagawa. Inisnab din niya ang mga imbitasyon ng Kamara de Representantes kaugnay naman sa umano’y mga paglabag ng kanyang media outfit, ang Sonshine Media Network International.

Sa katunayan, aprubado na ng House Legislative Franchises Committee ang panukalang magpapawalang-bisa sa broadcasting franchise ng SMNI, dahil sa sari-saring paglabag. Bukod dito, na-cite in contempt din ng Kamara ang televangelist, na ipinakikilala ang kanyang sarili bilang “appointed son of God.”

Kung totoong naninindigan si Padilla sa katotohanan, hustisya, transparency, at pagkakaroon ng pananagutan sa batas, dapat na siya ang unang mangumbinsi sa kanyang kaibigan na harapin ang mga kaso nito sa halip na protektahan ito mula sa mga proseso ng kapulungan na kanyang kinabibilangan.

Pagnilayan sana niyang mabuti ang kanyang mga ginagawa, gaya ni Sen. JV Ejercito, na binawi ang sariling pirma sa resolusyon ni Padilla na pipigil sa pagpapatupad ng batas laban sa kontrobersiyal na pastor.

Para sa isang ipinakikilala ang kanyang sarili bilang maka-Diyos at alagad ng Bibliya, hindi ko maintindihan kung bakit pinipiling magtago ni Quiboloy. Hindi ba niya pinaniniwalaan ang kanyang ipinangangaral? Mababasa sa Romans: “If God is for us, who can be against us?”

Kung pagbabasehan ang pagiging mailap ng KOJC leader, mukhang kabaligtaran yata ang nangyari, tingin ba ninyo? Ipinararating niya ang mensahe na hindi siya nananampalataya sa proteksiyong ipagkakaloob ng Diyos sa kanya. O baka naman dahil guilty siya? Tanging siya lamang ang makakaalam ng katotohanan, kaya tama lamang na lumantad siya at pabulaanan ang lahat ng espekulasyon laban sa kanya.

* * *
SHORTBURSTS. Para sa mga komento at reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X.

 

Previous articleBIR DIGITALIZATION PROGRAM, LAKING GINHAWA SA MGA TAXPAYER
Next articleLACSON-NOEL ASSURES ELDERS OF P1K MONTHLY PENSION