Home METRO Labi ng OFW na nasawi sa Israel missile attack, naiuwi na sa...

Labi ng OFW na nasawi sa Israel missile attack, naiuwi na sa Pinas

273
0

NEGROS OCCIDENTAL — Nakauwi na sa kanilang bayan noong Huwebes sa probinsyang ito ang mga labi ni Leah Mosquera, isang caregiver na nasawi sa isang missile attack sa Rehovot, Israel.

Sa Bacolod-Silay Airport, sinalubong ng kanyang mga kaanak, kaibigan, si Governor Eugenio Jose Lacson, at mga opisyal mula sa Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang labi ng tinaguriang “modern-day hero.”

May bitbit silang banner na may nakasulat: “Welcome home, Leah Mosquera. Salamat at Paalam. The final journey of a modern-day hero, home at last.”

Kasama sa pag-uwi ng labi si May Joy Mosquera, kapatid ni Leah na isa ring caregiver sa Israel.

“Kahit hindi siya makapagsalita, tuwing binibisita ko siya sa ospital, tinatanong ko siya kung naririnig niya ako. Sumisinyas siya gamit ang pagbukas at pagsara ng kanyang mga mata,” pahayag ni May Joy sa wikang Hiligaynon.

Ayon pa sa kanya, huli silang nagkita ni Leah isang araw bago ang missile attack upang ibigay ang parte ni Leah sa perang ipapadala sa Pilipinas.

Noong Hulyo 13, kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagkamatay ni Leah sa intensive care unit ng Shamir Medical Center, isang buwan matapos ang insidente noong Hunyo 15.

Dinala ang kanyang mga labi sa St. Jude Funeral Homes sa kanilang bayan sa San Enrique habang inaayos pa ang burol.

Ayon kay Gov. Lacson, maglalaan ang pamahalaang panlalawigan ng tulong pinansyal na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱190,000 para sa pamilya ni Leah.

Pinangunahan nina DMW-Negros Island Region Director Glenda Aligonza at OWWA-Western Visayas Director James Mendiola ang pagbibigay ng tulong mula sa pambansang pamahalaan.

Ayon kay Mendiola, inatasan sila ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking makakauwi ang mga labi ni Leah at matulungan ang kanyang naiwang pamilya.

“Bukod sa pinansyal na tulong, sagot rin ng DMW ang plane ticket para makabalik si May Joy sa Israel,” ayon kay Aligonza.

(Mary Anne Sapico)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here