MANILA, Philippines – Hinimok ng National Wage Coalition (NWC) nitong Lunes, Hulyo 22 si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sertipikahang urgent ang pagpasa ng pending wage bills sa Kongreso sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ngayong araw, Hulyo 22, 2024.
Sa programa sa University Avenue bago ang kanilang martsa patungong Commonwealth Avenue sa Quezon City, binatikos ng mga miyembro ng NWC ang pinakahuling P35 wage order na inisyu ng National Capital Region Wage Board at nanawagan sa Kamara na ipasa na ang P150 wage hike bill.
Ayon sa grupo, dapat ay ikampanya ni Speaker Martin Romualdez ang pag-apruba sa P150 at iba pang wage hike bills na nananatiling pending sa House Committee on Labor.
Sinabi pa ng NWC na ang pagsasabatas ng P150 across-the-board wage hike ay tutugon sa problema ng mga manggagawa sa inflation at isang malaking hakbang sa pagpapataas ng minimum wage sa ibabaw ng poverty threshold.
“Paano mapapawi ang kahirapan sa 2028 kung ang sweldo ng manggagawa ay hindi makatawid-tawid sa poverty line sa nakalipas na 35 taon? Paano makakarating sa pagiging upper middle-income country ang Pilipinas kung walang living wage ang mga manggagawa?” ayon kay Renato Magtubo, presidente ng Partido Mangagawa, miyembro ng NWC.
Ang NWC ay binubuo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, Kilusang Mayo Uno, Nagkakaisa! Labor Coalition, at Trade Union Congress of the Philippines. RNT/JGC