MANILA, Philippines- Muling nanawagan ang mga labor groups kay Pangulong Ferdinang Marcos Jr. na agarang sertipikahan ang panukalaang batas na P200 nationwide wage increase.
Inulit ng mga miyembro ng National Wage Coalition (NWC) ang kanilang apela habang itinutulak nila ang sertipikasyon ng panukala upang matiyak ang pagpasa nito bago ang pagtatapos ng 19th Congress.
Nag-break ang Congress noong Pebrero 5,2025 upang bigyang-daan ang campaign period para sa Eleksyon 2025.
Magbabalik ang sesyon sa Hunyo 2 hanggang sine die adjournment sa Hunyo 13, 2025.
Noong Pebrero, inaprubahan ng House of Representatives ang pangalawang pagbasa sa House Bill No.11376 o ang Wage Hike For Minimum Wage Workers Act na nagbibigay ng daily rate sa lahat ng minimum wage workers sa pribadong sektor, ano man ang estado ng trabaho, na tataas ng P200 kada araw.
Marso 2024 nang aprubahan ng Senado ang P100 legislated daily minimum wage hike para sa pribadong sektor.
Samantala, hinimok ng NWC si Marcos na makipagpulong sa labor leaders.
Sinabi ng Malacanang noong nakaraang linggo na ang petisyon para sa wage hike ay depende sa Regional Wage Boards. Jocelyn Tabangcura-Domenden