Home HOME BANNER STORY Lacson may privilege speech sa partial flood control report ng Blue Ribbon...

Lacson may privilege speech sa partial flood control report ng Blue Ribbon sa susunod na linggo

95
0

MANILA, Philippines – Sinabi ni Senate President Pro Tempore at Blue Ribbon Committee Chair Panfilo “Ping” Lacson na magkakaroon siya ng privilege speech sa susunod na linggo para mag-report sa pag-usad ng imbestigasyon sa flood control ng Senado sa kabila ng pagkabalahaw nito dahil sa kulang na pirma ng mga senador.

“Kaya nga naisip ko na magsagawa na lang ng privilege speech. Magsasagawa ako ng chairman’s progress report,” ani Lacson sa panayam ng DZMM.

Aniya, humiling na siya para sa privilege speech na itinakda Lunes o Martes sa susunod na linggo.

“Kasi I think as chairman, I owe it to the public, to the Filipino people, kung ano na ang nangyare after seven or eight hearings ng committee,” aniya.

Sinabi ni Lacson noong Abril 16 na ang partial report ng komite sa isyu ng flood control ay kulang pa ng tatlong pirma mula sa siyam na pirmang kailangan para maipasa ang report sa plenary session at tuluyang maisapubliko.

Aniya, ilang sa mga senador ang tumangging pumirma sa partial report.

Iginiit ni Lacson na “unjust” para sa ilang senador na sadyang huwag pirmahan ang report para mapabagal ang proseso.

“Para hindi pumirma, I don’t think makatarungan yun, kasi duty naming mga member ng mga komite na pag nabasa mo yung committee report, pirmahan mo, pagkatapos maglagay ka ng ‘will interpellate,’ ‘will amend,’ ‘with reservation,’ or ‘will submit separate report or opinion.'”

“Ganun dapat, hindi yung hindi ka pipirma para hindi umusad,” dagdag pa niya.

Samantala, sinabi ni Lacson na ang privilege speech niya ay hindi lamang limitado sa kung ano ang nangyari sa imbestigasyon ng panel kundi maging ang mga dokumento na hindi napag-usapan sa pagdinig.

Plano rin niyang magbigay ng kopya sa Department of Justice at Office of the Ombudsman, na nagsasagawa ng sariling imbestigasyon sa multi-bilyong pisong korapsyon.

Siniguro naman ni Lacson na magpapatuloy ang imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee na layong magpadala ng mga bagong imbitasyon sa mga umano’y sangkot na mambabatas katulad nina dating House speaker Martin Romualdez.

Sa kabila nito, hindi naman umano maaaring pilitin ang mga miyembro ng Kamara na dumalo sa pagdinig ng Senado dahil sa inter-parliamentary courtesy. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here