MANILA, Philippines – Binalaan ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson si bagong halal na Senate President Vicente “Tito” Sotto III na huwag maliitin ang siyam na miyembro ng minorya matapos ang pagbabago sa liderato ng Senado.
Ayon kay Lacson, pinaalalahanan niya si Sotto na bilang lider ng Senado, kinakatawan nito ang lahat ng 23 senador at hindi lamang ang mayorya.
“Sabi ko kay SP, 15 tayo 9 sila, ‘wag mo i-minus yung 9 and ang attitude ni SP, ‘wag natin balewalain kasi mga kapwa senador yan,” ani Lacson sa Kapihan sa Senado.
“Ikaw, you are the SP of the entire Senate, of all the 23 other senators. He agreed. Ganyan naman talaga ang attitude niya. ‘Di pwede SP ka SP ka lang ng majority,” dagdag pa niya.
“Ito pa ang isang wina-warning, manipis ang 15 against 9, baka bukas makalawa ikaw naman ang kino-coup,” ayon pa sa senador.
Pumalit si Sotto kay Senador Francis “Chiz” Escudero bilang Senate President nitong Lunes matapos ang botong 15–9. Kabilang sa bagong minorya sina Senators Escudero, Joel Villanueva, Bong Go, Ronald “Bato” dela Rosa, Imee Marcos, Alan Peter Cayetano, Jinggoy Estrada, at Rodante Marcoleta. RNT