Home TOP STORIES Lacuna, Quimbo pinadalhan din ng show cause order ng Comelec

Lacuna, Quimbo pinadalhan din ng show cause order ng Comelec

0
Lacuna, Quimbo pinadalhan din ng show cause order ng Comelec

Patuloy na iniimbestigahan ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga lokal na opisyal at kandidato na pinadalhan ng show-cause order kaugnay ng mga alegasyon ng vote-buying. Kabilang dito ang 19 na kandidato na pinagpapaliwanag ng ahensya.

Kasama sa mga nabigyan ng show-cause order sina Manila Mayor Honey Lacuna at Marikina 2nd District Representative Stella Quimbo.

Ayon sa Comelec, kapwa nakapagsumite na ng kanilang paliwanag ang dalawang opisyal, at nagpahayag sila ng kahandaang sumunod sa mga proseso ng komisyon at paggalang sa due process.

Bukod sa kanila, kabilang din sa mga pinadalhan ng show-cause order ang mga sumusunod:

Denver Christopher Chua (Cavite City mayoral candidate)

Marvin Venus (Baras, Rizal)

Ruben Talon, Butch Suspeñe, at Zake Derequito (Dumangas, Iloilo)

Zarah Rose Lara (Cagayan gubernatorial candidate)

Allan Martines de Leon at Kristofer Charles Esguerra (Taytay, Rizal)

Erwin Pastrana (Mauban, Quezon mayoral candidate)

Rhapsody Miguel Riveral (Cuartero, Capiz)

Winfred Rivera (Kamalayan Party-list)

Jeren Jude Bacas at Rolen Paulino Jr. (Olongapo City)

Danilo Fernandez (Laguna)

Romulo Avila (Quezon Province vice mayoral candidate)

Paliwanag ni Comelec Chairperson George Garcia, dumaraan ang proseso sa pagbibigay ng show-cause order upang mabigyan ng pagkakataon ang mga respondent na maipaliwanag ang kanilang panig bago ang anumang legal na aksyon gaya ng pagsasampa ng petition to cancel o disqualification.

“Importante ang pagkakaroon ng show-cause order upang masiguro ang maayos na proseso. Hindi kami basta-basta nagsasampa ng kaso nang walang basehan,” saad ni Garcia.

Dagdag pa niya, may mga naunang kaso noong Barangay at Sangguniang Kabataan elections kung saan nasuspinde ang proklamasyon ng ilang kandidato at may ilan ding nadiskwalipika matapos ang pagsunod sa tamang proseso.

Giit ng Comelec, pantay-pantay ang kanilang pagtrato sa lahat ng kandidato at hindi sila kumikiling sa alinmang partido o personalidad.

“Makikita ninyo sa listahan na walang kinikilingan ang Comelec. Ang lahat ng dapat mabigyan ng pagkakataon na magpaliwanag ay pinadalhan namin ng show-cause order,” dagdag ni Garcia.
(RNT)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here