MANILA, Philippines- Gumaganda ang kalagayan ngayon ni Atty. Zuleika Lopez, chief of staff ni Vice President Sara Duterte matapos dumanas ng emotional strain dahil sa planong paglilipat sa kanya sa Correctional for Women matapos makasuhan ng contempt sa Kamara.
Ibinalita ito ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, mahigpit na kaalyado ni Duterte matapos dumalaw sa opisyal sa isang pagamutan sa Quezon City.
Ayon kay Dela Rosa, patuloy na nagpapagaling si Lopez sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) kagabi.
“Okay naman sya. Nakahiga. Hindi kami masyadong nakapagkwentuhan dahil nagpapahinga, nakahiga,” ayon kay Dela Rosa.
Sinabi ni VMMC spokesperson Dr. Joan Mae Perez Rifareal na tumatanggap na pinakamahusay na serbisyong medical ang naturang opisyal.
“Routine diagnostic tests and imaging procedures are currently being conducted to ensure an accurate evaluation and the development of appropriate medical management plan,” ayon kay Rifareal.
“VMMC remains steadfast in its commitment in providing compassionate and patient-centered care to all individuals under its care,” dagdag niya.
Hindi binanggit ni Dr. Rifareal ang impormasyon hinggil sa kalagayan ng kalusugan ni Lopez alinsunod sa patient confidentiality and privacy protocols.”
Kinasuhan si Lopez ng contempt ng House committee on good governance and public accountability, na nag-iimbestiga sa paglulustay ng pondo ng OVP sanhi ng “undue interference” sa pagdinig nitong Miyerkules.
Dahil dito, inaprubahan ng komite ng paglilipat ni Lopez sa Correctional Institute for Women nitong Biyernes kaya siya nagsusuka at nahihilo.
Pagkatapos nito, pinagmumura ni Duterte sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at House Speaker Martin Romualdez nitong umaga ng Sabado na pinagbantaan na ipapatay sa isang killer kapag natuloy ang plano laban sa kanya.
Iniimbestigaha ng Kamara ang paglulustay ng confidential funds ng OVP na umaabot sa mahigit P125 milyon na nagbigay ng resibo sa pangalan na Mary Grace Piattos at iba pa na kahina-hinalang indibidwal.
Hindi masagot ni Duterte at Lopez ang katanungan ng komite kung saan napunta ang multi-milyong confidential funds ng OVP.
Samantala, itinuring na isang seryosong pagbabanta ang pahayag ni Duterte ng ilang ahensya ng pamahalaan partikular si National Security Adviser Sec. Eduardo Año.
Humalili si Dela Rosa kay Duterte sa pagbabantay kay Lopez kasama si Senador Bong Go na nagsasabing maiiwan siya sa VMCC kahit bumalik o hindi ang bise presidente.
“Darating siya o hindi, hindi ako aalis,” ayon kay Dela Rosa.
Sinabi pa ni Dela Rosa na nakikipag-ugnayan si Lopez sa kanyang abogado matapos mapaso ang contemopt order sa Lunes.
“Nag-usap siya sa kanyang lawyer kung anong plano nila… Kung mag-expire na ang contempt order, nothing is holding her from going home. I’m not so particular about the specifics of that contempt order,” ayon kay Dela Rosa. Ernie Reyes