(Screengrab from Railfans of the Philippines FB Page)
MANILA, Philippines – Inihayag ni Transportation Secretary Vince Dizon na anim pang Dalian train cars ang magsisimulang pumasada sa MRT-3 bago matapos ang 2025, at target na magamit ang lahat ng 48 bago sumapit ang 2026.
Sa post-SONA forum noong Hulyo 30, sinabi ni Dizon na ang hakbang ay alinsunod sa utos ni Pangulong Marcos Jr. na gamitin ang lahat ng Dalian trains para mapakinabangan ng mga commuter at hindi masayang ang buwis ng taumbayan. Sa ngayon, tatlong Dalian trains pa lang ang ginagamit.
Kasalukuyang inaayos ng Japanese maintenance provider na Sumitomo ang mga teknikal na isyu ng mga tren upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero. Bahagi ito ng layunin ng administrasyong Bagong Pilipinas na pagaanin ang pampublikong transportasyon.
Ipinahayag din ni Marcos ang pagbabalik ng “Love Bus,” isang government-run na bus service na magbibigay ng libreng sakay sa mga lungsod ng Cebu at Davao. Santi Celario