Home NATIONWIDE Lahat ng nanalong kandidato sa BARMM, naiproklama na

Lahat ng nanalong kandidato sa BARMM, naiproklama na

1
0

MANILA, Philippines – Naiproklama na ang lahat ng nanalong kandidato sa kauna-unahang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) parliamentary elections, ayon sa Commission on Elections (Comelec) nitong Huwebes, Setyembre 17.

Ang Bangsamoro parliament ay may 80 upuan: 40 para sa party representatives, 32 para sa district representatives, at walo para sa sectoral representatives.

Sa 40 upuan na nakalaan para sa party representatives, nakakuha ng 16 ang Bangsamoro Federal Party (BFP), habang 15 naman ang nakuha ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP).

Nakakuha ng walong upuan ang BARMM Grand Coalition, habang isang upuan naman ang nakuha ng Raayat Democratic Party, ayon sa Comelec canvass report para sa Regional Parliamentary Political Party.

Para sa 32 district representative seats, siyam ang nakalaan sa Lanao del Sur, tig-lima sa Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur, tig-apat sa Basilan at Tawi-Tawi, tatlo sa Cotabato City, at dalawa sa Special Geographic Area (SGA).

Pinakamaraming nakuha na parliamentary district seats ang mga kandidato mula sa Bangsamoro Federalist Party (BFP) na may 17 puwesto.

Sinundan ito ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP) na may pitong puwesto at Serbisyong Inklusibo-Alyansang Progresibo Party (SIAP Party) na may anim.

Isang upuan naman ang nakuha ng mga kandidato sa ilalim ng Bangsamoro Peoples Democratic Party (Pro Bangsamoro) at Al-Ittihad Ummah Kalim Bangsamoro (ITIHAD).

Nakuha ang Maguindanao del Norte Third District representative seat ni BARMM Interim Chief Minister Macacua, na dating tumakbo bilang independent candidate

Bago ang eleksyon, sumali si Macacua sa BFP kung saan siya ay itinalagang chairman.

Hinikayat ni Garcia nitong Miyerkules ang mga bagong halal na miyembro ng BARMM parliament na maging instrumento ng kapayapaan, katarungan at kaunlaran na matagal nang inaasam ng rehiyon, kasunod ng kauna-unahang parliamentary elections.

“Sa mga bagong halal na miyembro ng parlyamento: Ipinagkatiwala sa inyo ng mamamayan ang boto nilang pinagbuwisan ng dugo, panahon, at pananampalataya,” ani Garcia.

“Nawa’y maging karapat-dapat kayo sa makasaysayang pagkakataong ito, at maging instrumento ng kapayapaan, katarungan, at kaunlarang matagal nang ipinaglalaban ng Bangsamoro,” dagdag pa niya.

Ginanap ang kauna-unahang parliamentary elections ng BARMM noong Lunes, Setyembre 14, na may final voter turnout na 84.34%. Katumbas ito ng 2,018,478 botante mula sa 2.393 milyong rehistradong botante ng rehiyon.

Uupo sa pwesto ang 80 bagong halal na miyembro ng Parliament sa Oktubre 30 at ihahalal ang chief minister ng rehiyon.

Manunungkulan ang mga unang halal na opisyal ng limang taon hanggang Hunyo 30, 2031. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here