Bulacan – Arestado ang 24 anyos na tarantang lalaking rider na walang helmet matapos umanong mahulihan ng iligal na droga sa Oplan Sita ng pulisya sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM).
Kinilala ng pulisya ang naarestong suspek sa alyas Joshua, binata, walang trabaho, residente ng Brgy. Citrus.
Sa report ng SJDM police station, ikinasa ang Oplan Sita ng PCP 4 bandang 8:00 ng gabi nitong September 23 sa EVR Avenue, Brgy. Citrus.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, pinara ng mga parak ang namataang rider na lulan ng motorsiklo dahil wala itong suot-suot na helmet.
Nang komprontahin dahil sa kanyang paglabag ay halantang taranta, kabado at sinubukan nitong tumakas subalit agad siyang nadakma ng mga parak.
Dahil dito, kinapkapan ang rider hanggang sa masamsaman umano ng dalawang sachet na pinaghihinalaang shabu kaya agad siyang inaresto.
Nahaharap ang suspek sa kaukulang kaso habang nakakulong sa naturang istasyon ng pulisya. (Dick Mirasol III)