MANILA, Philippines- Patay ang isang lalaki nang barilin ng isa sa kausap nitong kalalakihan, napaulat kahapon sa Navotas City.
Hindi na umabot nang buhay sa Tondo Medical Center (TMC) bunga ng tama ng bala sa katawan ang biktimang si alyas “Tisoy,” ng E. Rodriguez St. Brgy. Tanza 1.
Ayon kay Navotas police chief P/Col. Mario Cortes, mahaharap sa kasong Murder ang mga suspek na sina alyas “Mark Bryan,” 24, construction worker at alyas “Antonio”,” 25, tattoo artist, kapwa residente ng Brgy. Tangos South.
Sa imbestigasyon nina P/MSg Allan Bangayan at PSSg Dylan Renon, dakong alas-11:35 ng Martes ng umaga nang maganap ang insidente sa M Domingo St, Brgy. Tangos North, habang kausap ng biktima ang mga suspek ay isa sa mga ito ang biglang naglabas ng baril at pinagbabaril sa katawan si alyas Tisoy.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng isang puting E-bike patungo sa M Domingo St. Brgy. Tangos North habang isinugod naman ang biktima sa nasabing pagamutan subalit, hindi na umabot nang buhay.
Ipinag-utos naman kaagad ni Col. Cortes sa kanyang mga tauhan ang follow-up investigation at sa isinagawang backtracking sa CCTV footages at pahayag ng mga saksi ay natukoy ang pagkakilanlan ng mga suspek.
Sa ikinasang follow-up operation ng pinagsanib na pwersa ng Intelligence Section, SIDMS at Sub-Station 2 sa pangunguna nina P/Major Albert Junanillo Jr., P/Capt. Joel Madregalejo at P/Capt. Ivan Rinquejo ay agad naaresto ang mga suspek.
Isang kalibre .38 revolver na may kargang dalawang basyo ng bala at tatlong bala sa cylinder na posibleng ginamit sa pamamaril at E-bike na ginamit nila sa pagtakas ang narekober ng pulisya mula sa mga suspek. Merly Duero