MANILA, Philippines- Nasa mahigit sa P400,000 halaga ng droga ang nasamsam makaraang maaresto ang dalawang hinihinalang tulak at nasa listahan ng High Value Individual (HVI) sa isinagawang buy-bust operation sa Trece Martires City, Cavite.
Ayon sa report, kinilala ang mga nadakip na suspek na sina alyas Louie at Rod na residente ng Brgy. Conchu ng nasabing lungsod.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, bandang alas-5:10 kamakalawa ng hapon nang nagsagawa ng buy-bust operation ang Cavite Station Drug Enforcement Team ng Trece Martires CCPS sa lugar na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.
Nakumpiska mula sa mga ito ang tinatayang nasa mahigit sa 60 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na P408,000, brown paper bag at buy-bust money.
Nasa kustodiya na ng Trece Component City Police Station (CCPS) ang naarestong suspek at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165. Margie Bautista