MANILA, Philippines- Binigyang-diin ng Supreme Court na ang kabataan at immaturity ng biktima ay nagsisilbing matibay na indikasyon ng pagiging totoo at taos-puso ng kanilang testimonya tungkol sa mga krimen na ginawa laban sa kanila.
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Henri Jean Paul B. Inting, pinagtibay ng Third Division ng Korte ang hatol kay Resty Laconsay para sa Lascivious Conduct sa ilalim ng Section 5(b) ng Republic Act (RA) No. 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act pagkatapos mapatunayang minolestiya niya ang isang 14 taong gulang na babae.
Si Laconsay ay hinatulan ng pagkakakulong ng walong taon at isang araw hanggang 17 taon, apat na buwan, at isang araw, at inutusang magbayad ng kabuuang P165,000 bilang danyos at multa.
Kwento ng biktimang si AAA, siya ay natutulog sa bahay kasama ang kanyang mga kapatid nang magising siya na may nakatayo sa kanyang paanan at may hawak na cellphone. Hinila ng taong iyon ang kanyang kumot, hinawakan ang kanyang paa, at hinimas ang kanyang binti hanggang sa kanyang singit. Sumigaw si AAA para humingi ng tulong, dahilan para makatakas ang salarin.
Sa paglilitis, tumestigo si AAA na nakita niya ang mukha ng kanyang salarin sa pamamagitan ng ilaw mula sa cellphone. Sa tulong ng kanyang kapatid na babae, na nakakita rin sa insidente, kinilala ni AAA ang kanyang salarin bilang ang kapitbahay nilang si Laconsay.
Itinanggi ni Laconsay ang mga paratang at ikinatwiran din niya na hindi pare-pareho ang testimonya ni AAA dahil una na nitong sinabi sa kanyang ama na hindi si Laconsay ang nangmolestiya sa kanya.
Guilty ang hatol kay Laconsay ng Regional Trial Court at Court of Appeals sa Acts of Lasciviousness sa ilalim ng Revised Penal Code (RPC) at RA No. 7610.
Pinagtibay ng Korte ang hatol kay Laconsay at binigyang-diin na malinaw, kapani-paniwala, at sinusuportahan ng pahayag ng kanyang kapatid na babae ang testimonya ni AAA.
Dito, gumawa ng Lascivious Conduct si Laconsay nang hawakan niya ang mga binti at singit ni AAA. Mayroong Lascivious Conduct kapag ang isang salarin ay gumawa ng mga kahalayan laban sa isang taong may edad na 12 pero hindi aabot ng 18.
Binigyang-diin ng Korte na ang kabataan at immaturity ni AAA ay mga indikasyon ng katotohanan at taos-pusong testimonya dahil walang dahilan ang biktima para ipahiya ang kanyang sarili kung hindi totoo ang mga sinabi niya sa korte. Teresa Tavares