Home METRO Lalaki binaril ng live-in partner na kapwa-parak

Lalaki binaril ng live-in partner na kapwa-parak

GENERAL SANTOS CITY- Inoobserbahan ngayon sa ospital ang isang pulis matapos barilin ng kanyang kinakasama na isa ring pulis sa gitna ng pagtatalo, iniulat kahapon sa lungsod na ito.

Kinilala ang biktimang si PLt. Joseph Miasan Denaga, 50, kasapi ng PNP 12 Drugs Enforcement Group 12, habang sumuko naman sa kanyang mga kabaro ang suspek na si Patrolman Kamille Kaye Asuncion, 29, nakatalaga sa Police Regional Office-12, at kapwa nakatira sa Lansang Village, Barangay Sinawal, General Santos City.

Batay sa report ng General Santos PNP, bandang alas-8 ng gabi naganap ang insidente sa loob ng bahay ng mag-live in partner sa nabanggit na lugar.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, bago ang insidente narinig ng kanilang mga kapitbahay na nagsusumbong ang suspek sa biktima hinggil sa pangungutya sa kanya ng mga katrabaho nito.

Subalit, ilang minuto ang makalipas, bigla na lamang itong nauwi sa mainitang pagtatalo hanggang sa makarinig na sila ng magkakasunod na putok ng baril.

Agad namang humingi ng tulong sa mga awtoridad ang mga kapitbahay ng mag-live in partner at naabutan ang biktima na duguan at may tama ng bala ng baril sa dibdib at braso.

Isinugod naman sa ospital ang biktima para lapatan ng lunas habang sumuko sa pulisya ang suspek na ngayon ay nahaharap sa kasong Frustrated Homicide.

Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente. Mary Anne Sapico