Home METRO Lalaki inginusong may baril, timbog

Lalaki inginusong may baril, timbog

MANILA, Philippines – Arestado ang 24-anyos na obrero matapos inguso ng kanyang mga ka-lugar na may dalang baril sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw, Hunyo 19.

Sa ulat, habang nagpapatrulya ang mga tauhan ni Caloocan City Police OIC chief P/Col. Joey Goforth sa Brgy. 175, Camarin nang lapitan ng isang residente sa Sitio Matarik dakong alas-12:30 ng madaling araw at isinumbong ang pabalik-balik na paglalakad ng suspek habang may bitbit na baril.

Nang magtungo sa naturang lugar ang mga tauhan ng Cadena De Amor Police Sub-Station 11, inabutan pa nila ang suspek na palakad-lakad habang may hawak na armas kaya’t maingat nilang nilapitan at tinanong kung may dokumento ang hawak nab aril.

Dahil walang maiprisintang legal na dokumento ang suspek na si alyas “Junior”, inaresto siya ng mga pulis at kinumpiska ang hawak na kalibre .38 revolver na kargado ng dalawang bala.

Sasampahan ng pulisya ng kasong paglabag sa the Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang suspek sa piskalya ng Caloocan City. Rene Manahan