MANILA, Philippines – Pinaulanan ng bala ang isang lalaki na umano’y namemeke ng pera sa Tondo, Manila nitong Linggo ng madaling araw, Pebrero 23.
Kinilala ang biktima na si Jerry Calilip y Nepomoceno, 42, residente ng 1941 C2 Capulong St., Tondo, Manila.
Pinaghahanap naman ang mga suspek na sina Andrew Villaflor at Jerson Sonajo na kapwa taga-Tondo, Manila.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang insidente sa kahabaan ng Quezon St., corner Perla St, Tondo kung saan 10 bala umano ang pinakawalan ng mga suspek.
Bago ang insidente, nakita ang biktima na bumibili sa isang karinderya sa kahabaan ng nasabing lugar nang sundan ng suspek.
Sa kuha ng CCTV, napalingon pa ang biktima sa suspek na agad namang bumunot ng baril saka pinaulanan ito ng bala sa ibat-ibang parte ng kanyang katawan.
Mabilis na tumakas ang mga suspek matapos maisakatuparan ang kanilang pakay.
Naisugod naman sa Tondo Medical Center ang biktima ngunit binawian din ng buhay.
Patuloy na nagsasagawa ng follow up operation para mahanap ang mga salarin. Jocelyn Tabangcura-Domenden