MANILA, Philippines – Isang lalaki ang namatay nang pagsasaksakin ng kanyang kaibigan matapos na nagtalo na humantong sa pananaksak habang naglalakad papauwi galing sa inuman sa Brgy Milagrosa, Carmona, Cavite.
Base sa report, isinugod pa sa Pagamutang Bayan ng Carmona ang biktima na si Jayson Nuevo Mendoza subalit hindi na ito umabot nang buhay dahil sa tama ng saksak sa katawan.
Pinaghahanap naman ang suspek na si alyas Erickson na tumakas dala ang patalim na ginamit.
Sa ulat, bandang alas-9:30 kamakalawa ng gabi ay naglakad na papauwi sa kani-kanilang bahay ang dalawa nang nagkaroon pa ng hindi pagkakaintindihan sa kanilang pinag-uusapan.
Dala ng kalasingan ay humantong sa mainitang pagtatalo ang dalawa hanggang sa naglabas ng patalim ang suspek at pinagsasaksak ang biktima.
Dito na bumagsak ang biktima bunga ng tama ng saksak habang mabilis naman tumakas ang suspek matapos isagawa ang krimen. Margie Bautista