Home NATIONWIDE P10M kush mula sa US nasabat sa NAIA

P10M kush mula sa US nasabat sa NAIA

MANILA, Philippines – Naharang ng Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ang isang kargamento na naglalaman ng mahigit P10 milyong halaga ng kush o high-grade marijuana.

Ayon kay Customs Commissioner Bienvenido Rubio nitong Biyernes, Nobyembre 1, ang kontrabando ay nadiskubre sa masusing physical examination sa parcel mula Estados Unidos.

Dito na nadiskubre ng mga awtoridad ang 7.1 kilo ng kush na isiniksik sa parcel.

Itinurn-over ito sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa masusing imbestigasyon at pinag-aaralan na ang paghahain ng kaukulang kaso sa paglabag sa Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at Republic Act No. 10863 (Customs Modernization and Tariff Act).

Ang operasyon ay isinagawa sa pakikipagtulungan sa PDEA at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG).

“We are intensifying our efforts to prevent illegal drugs from infiltrating our borders. Each successful operation demonstrates our determination to protect the Filipino people,” dagdag ni Rubio. RNT/JGC