Home METRO Lalaki todas sa saksak ng kelot na naingayan sa kanta

Lalaki todas sa saksak ng kelot na naingayan sa kanta

MANILA, Philippines – Patay ang isang 38-anyos na lalaki matapos saksakin ng kanyang kainuman na umano’y posibleng naingayan at nairita sa kanyang boses habang kumakanta, nitong Lunes ng madaling araw, Pebrero 5.

Kinilala ang biktima na si Junifer San Buenaventura y Simbol, walang asawa at residente sa 4th floor, Block 2 Lot 52, New Site, Baseco Compound, Port Area, Manila.

Nakatakas naman ang mga suspek na sina James Banesio y Gomez, 23, residente sa nasabi ding lugar at Darwin Gomez alyas Boy-Boy mula sa 5th Avenue, Caloocan City.

Sa imbestigasyon ng MPD-Baseco Station (PS-13), alas-2 ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa roof deck ng apartment building sa Block 2, Lot 48, Newsite, Baseco.

Sa salaysay ng testigo, kumukuha ito ng tubig sa harap ng inuupahang kuwarto nang marinig ang biktima at mga suspek na nag-iinuman habang kumakanta.

Makalipas ang isang oras, nakarinig na lamang ng malakas na kalabog si Dubria at nakitang nagmamadaling bumaba ng hagdan ang mga suspek mula sa roof deck na duguan ang katawan at damit.

Agad naman siyang humingi ng tulong sa barangay 649 at ipinagbigay-alam sa Baseco Police Station ang insidente para sa tamang imbestigasyon.

Nagsasagawa ng follow-up operation ngayon ang pulisya para sa ikadarakip ng mga suspek na posibleng maharap sa kasong murder. Jocelyn Tabangcura-Domenden