MANILA, Philippines – Isang lalaking pasyente na umano’y biktima ng hazing ang dinala sa ospital ng isang Mitsubishi Mirage at doo’y iniwan na kalaunan ay namatay, sa Gen Trias City, Cavite kamakalawa ng hapon.
Ayon sa nakalap na report, inaalam pa ang pagkakakilanlan ng biktima na dinala sa Gen. Trias Medical Hospital sa Brgy Manggahan, ng nasabing lungsod.
Sa report ng pulisya, bandang alas-2:11 kamakalawa ng hapon nang dalhin ng isang Mitsubishi Mirage na may plakang NAV 9489 lulan ang pasyenteng biktima na sinabing umano’y biktima ng hit and run kaya tumawag ng mga hospital staff upang ibaba ang pasyente sa loob ng sasakyan.
Matapos maibaba ang nasabing pasyente ay mabilis na umalis ang mga pasahero ng nasabing sasakyan at iniwan ang pasyente na hindi nagbigay ng anumang detalye.
Sa ginawang pagsusuri ng doktor sa biktima, nakitaan ng mga paso sa buong katawan at mga hita na hinihinalang biktima ng hazing na kaagad na namatay.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang pulisya sa Cavite Land Transportation Office (LTO) upang matukoy kung sino ang nagmamay-ari ng nasabing sasakyan at mga sakay nito nang dalhin ang biktima sa pagamutan. MARGIE BAUTISTA