ILOCOS SUR, Philippines – Arestado ang isang 42-anyos na lalaking residente ng Taguig City sa isinagawang anti-illegal drugs buy-bust operation ng mga awtoridad sa bayan ng San Esteban (drug-cleared barangay) ng lalawigang ito kahapon ng madaling-araw.
Base sa isinumiteng ulat ng San Esteban Municipal Police Station sa Ilocos Sur Police Provincial Office (ISPPO), ang suspek ay 42-anyos, may asawa.
Ang buy-bust operation ay ikinasa ng mga pinagsanib na puwersa ng San Esteban MPS (lead unit), Candon CPS, ISPDEU at Sta. Cruz MLET sa pakikipag-ugnayan sa PDEA RO1.
Bandang ala-1:30 ng madaling-araw nang isagawa ng mga awtoridad ang buy-bust operation na tumagal hanggang alas-3:35 ng madaling-araw.
Sa naturang buy-bust operation ay nakarekober ng mga awtoridad ang isang medium heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng 5 gramo ng hinihinalang shabu na may suggested drug price na P34,000.
Maliban sa hinihinalang shabu, may mga narekober din na mga non-drug evidence.
Ginawa ang inventory at markings sa mga nakumpiskang ebidensya sa mismong lugar kung saan nangyari ay bust-bust operation, sa harap ng suspek at ng mga mandatory witnesses. Rolando S. Gamoso