Home METRO Lalaking mapang-asar, sinaksak patay

Lalaking mapang-asar, sinaksak patay

MANILA, Philippines – PATAY ang isang lalaking mapang-asar nang saksakin sa likod ng napikon na suspek, napaulat kahapon sa Navotas City.

Kinilala ang nasawi sa alyas na “Joeman”, 43, naninirahan sa Ilang-ilang St., Brgy. NBBS ng nasabing lungsod.

Naisugod pa sa Tondo Medical Center si Joeman ngunit patay na pagsapit doon.

Nakakuha pa ng video footage mula sa CCTV sa lugar ng pinangyarihan ng insidente ang ginawang pananaksak kay Joeman ng suspek na si Julius Son na taga-Bajada Poblacion, Davao del Sur.

Nakatakbo pa ang biktima patungong NBBS Elementary School bago ito humandusay.

Napag-alaman na bago ang pananaksak, nagtalo ang suspek at biktima matapos kutyain ng huli ang una sa hindi nito pag-aambag tuwing may inuman ang kanilang tropa.

Naulit pa diumano ang pangungutya ng biktima sa suspek nitong Martes na naging dahilan ng pangangalit ng huli at nagawang saksakin ang nasawi.

Matapos ang pananaksak, tumakas ang suspek. Merly Duero