Home NATIONWIDE Lalaking nagkukunwaring abogado kalaboso!

Lalaking nagkukunwaring abogado kalaboso!

MANILA, Philippines- Pinagtibay ng Korte Suprema ang hatol sa isang lalaki na nagpanggap bilang abogado na matagal nang patay.

Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Samuel H. Gaerlan, napatunayang guilty ng Third Division ng Korte Suprema si Pedro Nollora Pequero sa kasong use of illegal alias at use of fictitious name at hinatulan siya ng apat na buwang pagkakabilanggo.

Taong 2011 nang mahuli sa isang entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) si Pequero dahil sa reklamong nagpapanggap siya bilang si “Atty. Epafrodito Nollora” sa mga kliyente at sa korte. 

Nalaman sa record ng Office of the Bar Confidant, may iisa lang na Atty. Epafrodito Nollora, na namatay noong Mayo 19, 1986.

Ayon sa Korte Suprema, ipinagbabawal ng Section 1 ng Anti-Alias Law ang paggamit ng pangalang hindi katumbas ng iyong tunay na pangalan, maliban na lang kung ginagamit bilang stage name, screen name, pen name, at iba pa para sa mga layuning pang-literatura, cinema, telebisyon, radyo, o libangan at sports.

Dagdag ng Korte, pinaparusahan ng Artikulo 178 ng Revised Penal Code ang mga tao na gumagamit ng pekeng pangalan upang magdulot ng pinsala. Si Pequero ay  nagdulot ng malaking pinsala sa publiko, lalo na sa kanyang mga kliyente, sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang Atty. Nollora.

Pinawalang-sala naman si Pequero sa krimen na usurpation of authority sa ilalim ng Artikulo 177 ng RPC. Bagama’t ang mga abogado ay mga opisyal ng hukuman, hindi sila maituturing na “persons of authority” dahil hindi sila mga ahente na itinalaga upang magpatupad ng mga utos ng gobyerno. Teresa Tavares