MANILA, Philippines – Tiklo ang isang lalaki na nagnakaw ng dalawang lisensiyadong baril nang matiyempuhan ng mga pulis habang bitbit ang lalagyan ng armas sa Malabon City.
Sa report na nakalap mula sa tanggapan ni Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission, mahaharap sa kasong pagnanakaw at paglabag sa R.A10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang suspek na si alyas “Tonyo”, 30.
Naglalakad sa kahabaan ng Matahong St. Brgy. San Agustin ang suspek alas-11:20 ng gabi nang sitahin siya ng mga pulis matapos makita ang bitbit niyang berdeng lalagyan ng baril, na tumutugma sa iniulat ng biktima na pinaglalagyan ng kanyang mga nawawalang baril.
Wala rin maipakitang patunay ang suspek na sa kanya ang lalagyan ng baril at nang buksan ay tumambad ang laman nitong dalawang kalibre .22 rifles, mga magazine at mga bala na positibong kinilala ng biktima na kanyang pag-aari.
Iniutos na ni NPD Director P/BGen. Benliner Capili sa Malabon Police Sub-Station 6 na isailalim sa ballistic examination ang nabawing mga baril at beripikahin ang mga iprinisintang dokumento ng biktima. Merly Duero