Home NATIONWIDE PBBM: Marami pang trabaho para maisakatuparan mga pangako sa SONA

PBBM: Marami pang trabaho para maisakatuparan mga pangako sa SONA

1
0

MANILA, Philippines – Aminado si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na marami pang kailangang gawin upang maisakatuparan ang mga programa at pangakong binitiwan ng kanyang administrasyon sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA).

Sa kanyang vlog na inilabas nitong Sabado, Agosto 8, sinabi ni Marcos na higit pa sa isang talumpati ang SONA dahil kailangan pa itong sundan ng konkretong hakbang upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga Pilipino.

“Alam ko na ang SONA ay higit pa sa isang talumpati. Marami pang trabaho ang kailangang gawin para maisabuhay ang lahat ng ating tinatalakay at minimithi bilang isang bayan,” ani Marcos.

Ibinahagi rin ng Pangulo ang mahabang paghahanda para sa kanyang SONA, na nagsimula ilang linggo bago ang kanyang talumpati.

Kabilang dito ang pangangalap ng datos, pagsusuri sa mga naging development at pagrepaso sa mga programa ng pamahalaan na ipagpapatuloy.

Sinabi ni Marcos na ilang beses ding inayos ang daloy ng talumpati at personal niyang nirebisa ang mga salita upang maging mas angkop sa pagsasalita kaysa sa pagbabasa.

“Alam niyo po iba ang pagsulat para sa mga babasahin. Iba ‘yung pagsulat para sa pagsasalita,” paliwanag niya.

Inamin din ng Pangulo na patuloy siyang gumawa ng mga pagbabago hanggang sa mismong araw ng SONA, kabilang ang ilang adjustments habang binibigkas ang talumpati.

Aniya, kinailangan ding paikliin ang unang draft dahil masyado itong mahaba at may ilang isyung hindi na naisama na maaari umanong matalakay sa kanyang huling SONA.

Bukod sa paghahanda sa talumpati, binigyang-diin ni Marcos ang kahalagahan ng pagtupad sa mga isyung ipinapaabot ng mga mamamayan.

Kabilang sa mga tinukoy niyang programa ang mga hakbang laban sa gutom, distribusyon ng bigas sa mga pamilyang nangangailangan, at feeding programs para sa mga mag-aaral.

Binanggit din niya ang Yaman ng Kalusugan Program o YAKAP, na nagbibigay ng konsultasyon at gamot sa mga estudyante, magulang at guro.

Ayon kay Marcos, pinalawak din ang tulong ng PhilHealth para sa mga pasyenteng sumasailalim sa dialysis, gayundin ang mga programa para sa cancer, HIV/AIDS at mental health.

Ipinunto rin niya ang Zero Balance Billing policy sa mga ospital ng Department of Health at ang pagtanggal ng value-added tax sa ilang gamot.

Sinabi ng Pangulo na patuloy na pakikinggan ng kanyang administrasyon ang mga hinaing ng publiko at tutugunan ang mga problemang kaya pang aksyunan ng pamahalaan.

“Titiyakin natin na kung meron pa tayong maaaring gawin upang matugunan ang mga inyong binabanggit na problema, asahan ninyo, gagawin naman ng inyong pamahalaan ito,” ani Marcos. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here