MANILA, Philippines – Nakalikom ang pamahalaan ng halos P33.5 milyon mula sa negotiated sale ng mga inabandona at nakumpiskang produkto, kabilang ang dalawang luxury cars, ayon sa Bureau of Customs (BOC).
Sinabi ng BOC nitong Sabado, Agosto 8, na pito sa 13 sale lots ang nagkaroon ng accepted offers sa isinagawang public auction noong Hulyo 30.
Kabilang sa mga matagumpay na naibenta ang 2018 Lexus LX570 na nagkakahalaga ng P2 milyon, 2012 Nissan Murano na P115,000, Hyundai Grand Starex GL na P110,000, premium at regular gasoline na P200,000, flat glass na P352,000, at 35 packages ng steel wire na P352,000.
Pinakamataas na alok naman ang natanggap ng 2024 Ferrari SF90 Stradale (Mansory) na umabot sa P30.1 milyon.
Ayon sa BOC, bahagi ang negotiated sale ng patuloy na pagsisikap nitong tiyakin ang maayos, legal at transparent na disposisyon ng mga abandoned at forfeited goods alinsunod sa mga umiiral na batas at regulasyon sa customs.
Kapag naaprubahan ng Secretary of Finance alinsunod sa Customs Modernization and Tariff Act, ang kabuuang proceeds na P33,499,000 ay remitted sa Bureau of the Treasury.
Sinabi ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno na ipinapakita ng matagumpay na pagbebenta ang commitment ng ahensya sa transparent, episyente at responsableng customs administration. RNT/JGC