MANILA, Philippines – Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Biyernes ang isang lalaki matapos umanong magpanggap na may impormasyon tungkol sa kinaroroonan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, na pinaghahanap ng International Criminal Court.
Ayon sa ulat, nasakote ang suspek sa kanyang condominium unit sa Novaliches, Quezon City. Lumabas din sa imbestigasyon na matagal na umanong modus operandi nito ang pagpapanggap bilang iba’t ibang opisyal ng pamahalaan.
“Nagpapanggap po siya na different government official, from congressmen up to senators hanggang sa president po,” ayon sa isang NBI agent.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, nakikipag-ugnayan ang mga awtoridad sa presidential security at iba pang unit para maaresto ang suspek na nagpapanggap din umanong secretary ng isang departamento at maging First Lady.
Naaresto ang lalaki matapos niyang sabihing may impormasyon siya kay Dela Rosa, ngunit kalaunan ay natuklasang scam umano ito. Ayon sa NBI, humihingi pa ang suspek ng pera mula sa kanyang biktima.
Sinabi rin ng NBI na natagpuan sa suspek ang umano’y ilegal na droga.
Nahaharap siya ngayon sa kasong estafa at paglabag sa Cybercrime Prevention Act (Republic Act No. 10175). RNT/MND