Home METRO Lalaking nakaupo sa labas ng bahay, binaril patay

Lalaking nakaupo sa labas ng bahay, binaril patay

GENERAL SANTOS CITY-PATAY ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek habang ang una ay nakaupo sa labas ng bahay nito kagabi, Marso 31 sa lungsod na ito.

Kinilala ang biktimang si Jerry Batoto Abellanosa, 51-anyos, residente ng Purok 2, Lanton, Extension, Apopong, General Santos City.

Batay sa report ng Gensan City Police Station 2, bandang 7:01 PM nang maganap ang krimen sa labas ng bahay ng biktima sa nasabing lugar.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nakaupo lamang ang biktima sa labas ng kanyang bahay nang bigla na lamang itong nilapitan ng suspek.

Dito, pinagbabaril ang biktima na tinamaan sa dibdib at iba’t ibang parte ng katawan na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Matapos ang krimen mabilis na tumakas ang suspek sa patungo sa Purok Mudia, Barangay Labangal, General Santos City.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang follow-up investigation ng pulisya para alamin ang pagkakakilanlan sa suspek at motibo sa krimen. Mary Anne Sapico

Previous article4 Chinese national na nasa likod ng pekeng government IDs, arestado sa Palawan
Next article2 contractor sa ‘di natapos na proyekto sa EDSA, kakastiguhin ng MMDA