Home METRO Lalaking nawawala natagpuang bangkay sa Tagaytay

Lalaking nawawala natagpuang bangkay sa Tagaytay

CAVITE- Natagpuan ang bangkay ng isa sa dalawang lalaking nawawala sa bakanteng lote habang patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang kasama nito noong Lunes sa Tagaytay City.

Kinilala ang nasawi na si Dexter Roales, 44, driver, residente ng Barangay San Isidro Mulanay, Quezon habang patuloy na pinaghahanap ang kasama nitong si Ruel Roca.

Batay sa paunang report ng Mulanay Police Station, ipina-blotter noong Linggo ng gabi na nawawala sina Roales at Roca.

Ayon sa kaanak, umalis ng bahay ang dalawa kasama ang isa pa sakay ng kulay itim na Montero na may plakang DBQ-1667, para ihatid ang kanilang pasahero sa sa mga lugar sa Laguna, Batangas, at Cavite.

Pagsapit ng Lunes, bandang alas-7:20 ng umaga ay nakatanggap ng tawag ang Tagaytay-PNP hinggil sa natagpuan bangkay ng lalaki sa Tagaytay-Mendez Road, Barangay Patutong Malaki North, ng nasabing lungsod.

Dahil walang pagkakakilanlan, ipinost ito sa social media at personal na kinilala si Roales ng mga kaanak nito.

Sumunod na araw Martes ng umaga, natagpuan ang sasakyan ng mga biktima sa ginagawang subdivision sa Barangay Alalum, San Pascual, Batangas.

Kwento ng isang kasama nina Roales at Roca na ngayon ay nasa kustodiya ng pulisya, sumakay sa kanila ang ilang kalalakihan sa Tagaytay City.

Dito, pinababa ang dalawang biktima saka pinagbabaril habang siya ay pinababa sa isang mall sa Lipa City, Batangas.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang ginagawang follow-up investigation ng pulisya at paghahanap kay Roca.

Inaalam na rin ng mga awtoridad ang tunay na motibo sa krimen. Mary Anne Sapico