MANILA, Philippines- Inaasahan ng Philippine Ports Authority (PPA) na aabot sa 1.73 milyon mula April 14 hanggang 20 ang mga pasahero ngayong Holy Week.
Sinabi ni PPA General Manager Jay Santiago na inaasahan ang kabuuang 3.5 percent na pagtaas mula sa 1.67 milyon pasahero sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Upang ma-accomodate ang pagdami ng pasahero, inatasan ni Santiago ang deployment ng karagdagang personnel at pinahusay na pagpapatakbo ng terminal sa mga pangunahing daungan.
Nagsagawa rin ang PPA ng maintenance checks sa critical infrastructure bilang paghahanda sa inaasahang pagbuhos ng mga manlalakbay.
Upang higit na matulungan ang mga commuter, naglagay ng mga help desk sa mga pangunahing daungan sa buong bansa upang magbigay ng agarang impormasyon at upang matugunan ang mga alalahanin ng mga manlalakbay sa port police o mga tauhan ng Philippine Coast Guard.
Ayon sa datos ng PPA, ang nangungunang limang pantalan ngayong Lenten season ay ang Port Management Office (PMO) Batangas, PMO Mindoro, PMO Panay/Guimaras, PMO Negros Oriental/Siquijor, at PMO Bohol.
Sa unang tatlong linggo ng Marso, ang bilang ng mga pasahero ay umabot na sa 3,027,881, na may average na 1,009,294 na mga pasahero kada linggo. Jocelyn Tabangcura-Domenden