Home METRO Lalaking pinaghihinalaan ng matalik na kaibigan, binaril

Lalaking pinaghihinalaan ng matalik na kaibigan, binaril

ZAMBOANGA CITY- Minsan pang napatunayan ang kasabihang: “Bestfriend is the worst enemy” matapos barilin ang isang truck driver ng matalik na kaibigan nito sa hinalang isinumbong nito ang ilegal na aktibidades ng huli, kagabi sa lungsod na ito.

Nilapatan ng lunas sa ospital ang biktimang si Eric Asentista, habang tugis naman ang kaibigan at suspek nitong si Rodlie Villar Gadian, kapwa nasa hustong gulang, at residente ng Talisayan, Zamboanga City.

Batay sa report ng Zamboanga City Police Station 4, bandang alas-7 ng gabi nang maganap ang insidente sa gilid ng kalsada sa Maria Clara Lobregat Highway Zone 3, Barangay Culianan, ng naturang lungsod.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, nagpapahinga ang biktima sa nakaparadang truck na kanyang minamaneho nang bigla na lamang siyang lapitan ng suspek at pinagbabaril.

Nagawang makailag ng biktima subalit tinamaan pa rin ito sa kamay saka mabilis na tumakbo patungo sa himpilan ng pulisya para humingi ng tulong.

Dinala naman sa ospital si Asentista at nilapatan ng lunas ang tinamo nito sugat habang tugis naman ang suspek na mabilis tumakas.

Sa pag-imbestiga ng pulisya, kilala ang suspek na nagbebenta ng shabu sa kanilang lugar at kalapit na barangay. Mary Anne Sapico