MANILA, Philippines – Patay ang isang lalaki matapos masagasaan ng bus habang tumatakas sa mga pulis na aaresto sana sa kanya sa Pasay City.
Batay sa ulat, nagsasagawa ng anti-criminality at anti-carnapping operations ang mga operatiba ng Philippine National Police–Highway Patrol Group (PNP-HPG) matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa isang wanted individual.
Pinara ang suspek dahil sa paggamit ng improvised license plate. Nang beripikahin ang kanyang pagkakakilanlan, napag-alaman na mayroon siyang tatlong standing warrants of arrest para sa estafa na inilabas sa Zamboanga City.
“He is among our Top 10 most wanted at the provincial level. It also turned out during verification that the suspect was using a vehicle with an improvised plate,” ayon kay PNP-HPG spokesperson Police Lieutenant Nadame Malang.
Ayon sa pulisya, nanlaban umano ang suspek at nakasugat ng ilang escorting police bago ito nakawala at tumakbo.
“When we were about to place handcuffs on him, he took that opportunity to escape. He sustained severe head injuries and was later declared dead on arrival at a hospital,” dagdag ni Malang.
Sinabi ng pulisya na nabundol ng dumaraang bus ang lalaki habang tumatakas.
Ang driver ng bus ay nasa kustodiya na ng Vehicular Traffic Investigation Section ng Pasay City Police at tumangging magbigay ng pahayag. Posible umano siyang maharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.
“We are still waiting for a copy of the LGU’s CCTV footage to determine whether there was any negligence on the part of our operatives,” ayon pa kay Malang. RNT/MND