ILOCOS SUR- Sugatan ang isang 37-anyos nan lalaki matapos siyang pagsaksakin nang mapagbuntunan ng inis ng isa sa dalawang lalaking inaawat niya na magsusuntukan sa Brgy. Bia-o, Sta. Maria ng lalawigang ito kagabi, Enero 18.
Ayon sa mga owtoridad, ang biktima ay isang construction worker, residente ng Brgy. Danuman West, Sta. Maria, Ilocos Sur.
Arestado naman sa isinagawang hot pursuit operation ang 46-anyos na suspek na residente ng Brgy. Bia-o, Sta. Maria, Ilocos Sur.
Sa imbestigasyon, ang suspek at isang nagngangalang Efren ay nagkaroon ng pagtatalo hanggang sa magkainitan.
Nang makitang magsusuntukan na ang dalawa, agad na pumagitna ang biktima at sinikap na awatin sa pag-aaway ang dalawa.
Ikinainis naman ng suspek ang ginawang ito ng biktima kaya sa kanya nabaling ang galit ng suspek.
Naglabas ng folding knife ang suspek at sinaksak ng dalawang beses ang biktima na tinamaan sa bandang sikmura at sa kanyang siko.
Agad na isinugod sa Ilocos Sur District Hospital sa Narvacan, Ilocos Sur ang biktima. Rolando S. Gamoso