Home NATIONWIDE Daan-daang deboto ng Sto. Nino bumuhos sa pista sa Tondo

Daan-daang deboto ng Sto. Nino bumuhos sa pista sa Tondo

MANILA, Philippines – Daan-daang mga deboto ng Sto. Nino din ang bumuhos sa Tondo, Maynila upang makilahok sa prusisyon para sa Kapistahan ng kanilang patron.

Nagsimula ang prusisyon alas-4:00 ng madaling araw at tampok ang ibat-ibang imahe ng batang Hesus.

Ayon sa Sto. Nino Church, tumagal ng tatlong oras ang prusisyon na umikot sa mga kalye sa paligid ng Simbahan.

Nagkaroon din ng pagbabasbas sa mga imahe ng Sto. Nino na dala ng mga deboto na dumalo sa misa sa Arcdiocesan Shrine of Santo Nino de Tondo Parish Church.

Ang imahe ng Santo Nino ay dumating noong 1564 sa Pilipinas mula Natividad, Mexico.

Ang taunang prusisyon ay nagsimula noong 1572 tampok ang ibat-ibang imahe ng batang Hesus.

Ginaganap naman ang Kapistahan ng patron tuwing ikatlong Linggo ng Enero.

Hindi lamang sa Tondo ipinagdiriwang ang Kapistahan ng Santo Nino tulad ng Aklan para sa Ati-atihan, Cebu para sa pagdiiwang naman ng Sinulog Festval.

Samantala, sinabi ng Manila Police District (MPD) na 5,000 deboto ang nakilahok sa prusisyon.

Wala namang namonitor na nangyaring untoward incident sa Tondo at Pandacan na nagdiriwang din ng Kapistahan ng Sto. Nino de Pandacan.

Alas-6:55 ng umaga nang maibalik ang imahe ng Sto. Nino de Tondo sa Archdiocesan Shrine of Sto. Nino.

Umabot naman sa 18,000 hanggang 20,000 ang nakiisa sa Buling-Buling Festival sa Pandacan nitong Sabado.

Ayon kay MPD Director P/Brig.General Arnod Thomas Ibay, nagdeploy ito ng sapat na personnel upang masiguro ang seguridad sa dalawang lugar sa Maynila.

Pinayuhan din ni Ibay ang mga tao na nagdiriwang ng Kapistahan gayundin ang mga namimyesta na huwag masyadong uminom ng alak upang maiwasan ang anumang aksidente. Jocelyn Tabangcura-Domenden