MANILA, Philippines – TIKLO ang isang lalaki na wanted sa kaso ng panghahalay sa isang menor-de-edad sa ginawang Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations (SACLEO) ng pulisya sa Navotas City.
Sa ulat ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes kay Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Josefino Ligan, nakatanggap sila ng impormasyon na naispatan sa lungsod ang presensya ng 35-anyos na akusado.
Sa ikinasang operation ng mga operatiba ng Intelligence Section ng Navotas police, nadakip nila ang akusado sa Yangco Street, Barangay Navotas East, dakong alas-5:15 ng gabi.
Hindi na kapalag ang akusado nang bitbitin siya ng mga tauhan ni Col. Cortes sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Malabon City Regional Trial Court (RTC) Branch 169, noong December 8, 2008 para sa kasong Rape in relation to R.A. 7610.
Walang inirekomendang piyansa ang korte para pansamantalang paglaya ng akusado na nakapiit ngayon sa Custodial Facility Unit ng Navotas police habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa hukuman. Merly Duero