Home METRO Namasyal nang may bitbit na baril, timbog

Namasyal nang may bitbit na baril, timbog

MANILA, Philippines – Timbog ang isang lalaki matapos maaktuhang may dalang baril habang namamasyal sa Caloocan City.

Batay sa ulat, nagsasagawa ng mobile patrol ang mga tauhan ng Caloocan police nang lumapit ang isang Barangay Peace and Safety Officer (BPSO) at sinabi sa kanila ang hinggil sa isang lalaki na may dalang baril habang naglalakad sa Pag-asa Street, Barangay 141, Bagong Barrio.

Agad namang rumesponde sa lugar ang mga pulis hanggang sa maispatan nila ang isang lalaki na naglalakad at may bitbit na baril kaya maingat nila itong nilapitan bago sinunggaban.

Nakumpiska sa suspek na si alyas “Tomas” ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng tatlong bala at nang hanapan siya ng mga dokumento hinggil sa legalidad nito ay wala siyang naipakita.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa R.A 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act). Rene Manahan