MANILA, Philippines – PATAY na nang idating sa pagamutan ang isang electrician matapos itong malunod dahil sa kagustuhang maisalba ang salbabida (inflatable swimming flotation device) na tinangay ng alon, nitong Sabado, Mayo 17, sa Papaya Beach, Barangay Papaya, Nasugbu, Batangas.
Ang biktima na dead on arrival sa Ospital ng Nasugbu na kinilala sa alyas Sed 42, may- asawa, electrician, naninirahan sa Pasong Kawayan 2, General Trias, Cavite.
Batay sa imbestigasyon ng Nasugbu Police Station sa pinangyarihan ng insidente, ganap na 2:20 ng hapon habang ang nasawi kasama ang anak at kamag-anak na kapwa naliligo sa Papaya Beach kung saan dahil sa malakas na alon ay tinangay ang salbabida (inflatable swimmming floatation device) ng kanyang anak.
Napag-alaman na mabilis na hinabol ng biktima ang naturang salbabida na tinangay ng alon hanggang sa tuluyan itong lumayo, kung saan hindi na umano nakayanan ng biktima ang malakas na alon na humantong sa pagkalunod ng nasabing electrician.
Mabilis na humingi ng tulong ang mga kasamahan ng biktima, kung saan na-rescue ang nasabi na kaagad na ginamitan ng CPR at dinala sa hospital, subalit wala ng buhay nang idating sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima. Ellen Apostol