Home NATIONWIDE Lalaking wanted sa panghahalay ng menor de edad, huli sa Malabon

Lalaking wanted sa panghahalay ng menor de edad, huli sa Malabon

156
0

MANILA, Philippines – Arestado ang 31-anyos na lalaki na wanted sa pitong bilang na panghahalay sa isang menor-de-edad na biktima makaraang mabulaga ng pulisya sa pinagtaguang lugar sa Malabon City, napaulat kahapon, Pebrero 4.

Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, kinilala ni Malabon police chief P/Col. Allan Umipig ang akusado bilang si alyas “Jonathan”, residente ng Gregory Homes, Brgy. Panghulo.

Sa ulat, naglabas si Malabon Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Catherine Therese M. Tagle-Salvador ng arrest warrant laban kay ‘Jonathan’ nitong Enero 22, 2026 para sa pitong bilang na kasong Qualified Rape of a Minor at dalawang bilang na kasong Acts of Lasciviousness.

Dahil dito, kaagad nagsagawa ng manhunt operation ang mga tauhan ni Col. Umipig na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong alas-9:45 ng umaga sa tinutuluyang lugar sa Sanciangco St. Brgy. Catmon.

Ayon kay Col. Umipig, walang piyansang inirekomenda ang hukuman sa pitong bilang na kasong qualified rape laban sa akusado habang may inilaang kabuuang piyansang P216,000.00 sa dalawang bilang na kasong acts of lasciviousness para sa pansamantalang paglaya.

Nakadetine sa custodial facility ng Malabon Police Station ang akusado habang hinihintay pa ang ilalabas na commitment order ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Malabon City Jail.

Pinuri naman ni BGen. Dela Cruz ang arresting team sa matagumpay na pagkakaaresto sa akusado na binigyang-diin nito ang pangako ng NPD para sa pagbibigay ng hustisya sa biktima. Merly Duero

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here