MANILA, Philippines – Nasakote ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) ang isang kelot na wanted sa kaso ng pangagahasa sa Caloocan City nang matunton sa kanyang pinagtataguan lugar sa lalawigan ng Masbate.
Sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang tauhan ng District Special Operations Unit (DSOU) ng NPD na nagtatago umano sa kanilang lugar sa Mobo, Masbate ang 25-anyos na tricycle driver na nakatala bilang No. 7 Most Wanted Person sa NPD.
Sa koordinasyon sa iba pang mga unit, ikinasa ng mga tauhan ng DSOU-NPD ang joint operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong alas-3 ng hapon sa Purok 1, Barangay Ibingay, Masbate City.
Ang akusado ay inaresto ng mga tauhan ng DSOU sa bisa ng arrest warrant na insyu ng Caloocan City Regional Trial Court (RTC) Branch 131, noong December 6, 2021, para sa kasong Rape.
Ayon kay NPD Public Information Office chief P/Capt. Marcelina Pino, walang inirekomendang piyansa ang korte para sa pansamantalang paglaya ng akusado.
Pinuri naman ni NPD Acting District Director P/BGen. Arnold Abad, ang DSOU sa kanilang mabilis at magkakaugnay na pagsisikap sa pagtiyak maibibigay ang hustisya. Merly Duero