Home NATIONWIDE Lamitan Cty, Basilan malaya na sa Abu Sayyaf Group

Lamitan Cty, Basilan malaya na sa Abu Sayyaf Group

Idineklara ng mga opisyal ng gobyerno na malaya na mula sa presensya ng Abu Sayyaf Group ang Lamitan City sa Basilan nitong Martes.

Sa seremonya na ginanap sa Lamitan City, 46 na loose firearms kabilang ang high-powered at low-powered firearms, gayundin ang hand grenade, ang boluntaryong isinuko ng mga barangay chairperson, na sumisimbolo sa pangako ng komunidad na panatilihin ang kapayapaan at seguridad.

“Ngayon, ipinagdiriwang natin hindi lang ang kawalan ng banta, kundi ang pagkakaroon ng maasahang kinabukasan para sa Lamitan City,” sabi ni Basilan Governor Jim Hataman-Salliman sa kanyang inspirational message, ayon sa press release mula sa Philippine Army.

“Sama-sama, ipinakita natin na posible ang kapayapaan. At sama-samang bubuo ng kinabukasan na puno ng pagkakataon at kaunlaran,” dagdag pa.

Sinabi ni Brigadier General Alvin Luzon, commander ng Philippine Army’s 101st Infantry “Three Red Arrows” Brigade, na ang sama-samang pagsisikap ng lokal na pamahalaan, pwersang panseguridad, at komunidad ay naging posible para sa lungsod na maging malaya sa rebeldeng grupo.

“Ang deklarasyon ng Lamitan City bilang ASG-free ay isang patunay ng ating nagkakaisang pagsisikap. Marami kaming naharap na hamon, ngunit ang aming sama-samang pagpapasiya ay nagdala sa amin hanggang ngayon. Kami ay nakatuon sa pagpapatuloy ng aming misyon upang matiyak ang kapayapaan at seguridad sa lungsod na ito,” aniya.

Inihatid ni Lamitan City Mayor Roderick Furigay ang kanyang State of the City report sa pagdiriwang ng founding anniversary ng lungsod.

Ang kaganapan ay natapos sa paglagda ng isang pangako na itaguyod ang ASG-free status ng Lamitan City. RNT